unang sona ni noynoy aquino

Tampok sa kauna-unahang State of the Nation Address ni bagong Pangulong Noynoy Aquino noong Lunes ang mito na kurapsyon ang pangunahing dahilan sa lugmok na kalagayan ngayon ng bansa.

Hindi na ito bago sa mga talumpati ng Pangulo. Noon pa mang nangangampanya pa lamang siya ay ito na ang kanyang pagsusuri: na maraming mahihirap na Pilipino dahil sa pangungurakot at pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga nasa puwesto. Ngayong nailuklok nang Pangulo, ito pa rin ang lunsaran ng tangan niyang plataporma.

Hindi maitatanggi na sa kurapsyon mauugat ang marami sa mga suliraning kinakaharap ng Pilipinas. Sa tapat at makabayang pamumuno nakasalalay ang pagtiyak na nagagampanan ng maraming bahagi ng pamahalaan ang kanilang mga tungkulin sa bayan. Magandang halimbawa ang paglikom ng buwis, na hindi maayos na maisasagawa kung may mga bulsang maaaring lagyan upang makatakas sa batas.

Ngunit hindi naman garantiya na sa pagwawakas ng kurapsyon, magkakaroon ng pangmatagalang pagbabago sa kalakaran ng gubyerno. Madalas, nakagapos sa pagkabigo ang mga adhikain ng pamahalaan, hindi sa kurapsyon lamang, kundi sa mismong mga patakarang sinusunod nito at sa mismong mga programang ipinatutupad alinsunod sa mga patakarang ito. Madalas din, nagaganap ang kurapsyon dahil baluktot ang mga patakaran at programa ring ito.

Sa halimbawa pa rin ng paglikom ng buwis, pangunahing dahilan sa pagkabigo ng pamahalaan na makakalap ng sapat na pondo para sa kaban ng bayan ang regressive nitong patakaran sa pagbubuwis. Sa pagpapatupad ng VAT na lamang, walang takas ang masang Pilipino sa mga dagdag na buwis, samantalang walang mahigpit na pagtugis sa mga mayayamang negosyante na kumikita ng malaki. Tuloy, nalilikha ng ganitong sitwasyon ang pagkakataon ng kurapsyon: sa porma ng sistemang “kota-kota” at “tongpats” na parehong kinundena ng Pangulo sa kanyang talumpati. (Hiwalay pa ito sa usaping hindi matalino ang alokasyon at paggamit ng kabuuang naipong kabuwisan para sa pambansang budget. Ngayong taon lamang P276.212 bilyon ang inilaan para sa pambayad utang.)

Ipagpalagay mang tama ang Pangulo, na sa pagsupil ng kurapsyon malulunasan ang karamihan kung hindi man lahat sa mga problemang nagpapahirap sa mga Pilipino, tila wala namang konkretong planong nailahad sa SONA kung paano ito maisasakatuparan. Ito na sana ang pagkakataong maitampok niya ang bagong Freedom of Information Bill na inilunsad muli ni Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casino ng Bayan Muna. Kung maisasabatas ang FOI, magkakaroon ng pananagutan ang pamahalaan na maging bukas sa pag-uusisa ng media at ng publiko. Magiging mas malaya ang pagbabantay sa bawat kilos ng mga nasa kapangyarihan.

Mayroon din namang mga tiyak na hakbangin na inilahad ang Pangulo. Iyon lamang ay kamukha rin naman ng mga planong ito ang mga sumemplang nang plano ng mga nakaraang administrasyon. Anong kaibhan ng kanyang mga binabalak na pubic-private enterprises sa mga nakaraang privatization schemes, gaya ng sa MWSS na mas lumala pa ang kalagayan matapos itong paghatian ng dalawang pribadong kumpanya? Hindi ba’t ang NBN-ZTE deal ay nabuo rin dahil sa pagtatambal ng pamahalaan at pribadong sektor?

Mula sa mga ganitong agam-agam nagiging walang saysay ang mga pangako ng Pangulo na magiging matapat siya sa kanyang tungkulin. Magiging walang katuturan ang pagtugis niya sa kurapsyon kung hindi siya magpapatupad ng mga bago at matatalinong programa na papalit sa umiiral na sistema. Magiging baog ang inilulunsad niyang “bagong simula” kung hindi niya matutukoy ang mas malalaking pinagmumulan ng kahirapan—gaya ng sa isyung agraryo, ng monopolyo ng dayuhan sa nga industriya ng bansa, sa edukasyon—mga mahahalagang usapin na marami ang umasang mababanggit niya sa kanyang SONA.

Hindi mahirap magbigay ng tiwala sa alok na “pagbabago” ng Pangulo, lalo pa’t sa bawat pagharap niya sa publiko, katapatan at malinis na paglilingkod sa kanyang mga “amo” ang imaheng lagi niyang ipinamamalas. Ngunit katuwang ng pagtitiwalang ito sa kanyang mga hangarin ang paghamon din na masugid nating susubaybayan ang kanyang bawat hakbang. Patuloy ang ating pagtatasa sa kanyang pamumuno at sa galing ng kanyang pang-unawa sa mga tunay at mas mahahalagang suliranin ng bansa. Hindi ito ang unang SONA na ating napakinggan.

Advertisements

8 thoughts on “unang sona ni noynoy aquino

  1. Ako din, disappointed na pinahapyawan lamang ang usapin ng edukasyon. Importante at sentral sa akin ang ganitong usapin, sapagkat malaki ang pananalig ko sa mabuting epekto ng isang maayos na sistema ng edukasyon at ng pagtaas ng pagkabuuang kamalayan sa ating lipunan, sa pagbabago ng ating bansa.Gayunpaman, tulad ni Carrie, nais ko siyang bigyan ng kaunting espasyo upang gumawa ng pagbabago. Malaki ang dagok na iniwan ng nakaraaang administrasyon, at kahit kailan, sa kahit anung konteksto, hindi naging madali o mabilis ang pagbabagong-hubog.

  2. Ako, since wala namang choice, pagbibigyan ko muna sya kasi first month pa lang naman nya… I'll just do my part as a Filipino. Which is, get out of the way. Ahahaha.

  3. His call to have the permanent laws of the Republic "re-codified" (although I think it really means to be codified) into a permanent set of statutes organized topically would be one of the greatest reforms in Philippine political life possible. It would democratize access to all laws and is as important as passing the proposed FOIA. I am also not in favor of VAT. However, one alternative that left-leaning governments that inherit VAT systems have done is to give a refundable tax credit through the income tax return system to all people in D and E economic categories. This actually has two functions, it converts VAT into a seasonal savings program (as opposed to a tax) for the poor and it gets most of the population to turn in income tax returns — leaving the BIR to go after more wealthy tax evaders.

  4. hindi ko napanood ang SONA sapagkat ako ay nagtatrabaho ng oras na yon. sa totoo lang parang fairytale si PNoy pero kung kaya niyang gawingreality yun, i won't complain certainly.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s